April 15, 2025
Hindi Lahat ng Sugat ay Kita: Bullying at Peer Pressure sa Loob ng Paaralan
Written by: Jea Rome Aguilar

Ang paaralan ang isa sa lugar na maaaring maituring na pangalawang tahanan ng bawat estudyante o kabataan. Ito ang lugar kung saan sila ay natututo hindi lamang tungkol sa mga lektura ng iba’t ibang aralin kung hindi na rin tungkol sa mga aral prinsipyo—sa kung paano nga ba mabuhay nang masaya at may dignidad bilang tao. Sa loob ng apat na sulok ng silid, hinuhulma rito ang mga kabataang may pangarap gaano man kataas o kababa. Ngunit lingid sa kaalaman ng lipunang nakalilimot na sa tunay na senaryo sa likod ng ilang nagtataasang school buidling, naroon ang mga saklolong sumisigaw sa isipan ng mga kabataang nawalan ng boses dahil sa dinaranas na bullying at pambubuska mula sa mga kapwa estudyante.
Sa katunayan, hindi na bago ang isyu ng bullying at peer pressure sa mga paaralan sa Pilipinas, lalo na at ngayon ay mas lalo pa itong naririnig sa iba’t ibang mga balita. Patunay lamang na ito ay talamak at kadalasan pa nga ay hindi na ito napapansin ng karamihan sa kadahilanang parang nagiging normal na ito sa paningin ng mga mag-aaral.
Ang sugat na dulot ng ganitong suliranin ay tunay nga kayang hindi nakikita? O matagal na itong napagmasdan ng mga mata ngunit siya namang pagtikom ng bawat bibig upang hindi maisigaw ang dapat na lunas?

Courtesy: UNICEF
Ang bullying ay hindi nagsisimula kaagad sa pananakit, direktang panlalait, o alin pang mga katulad nito. Ang tinatawag na peer pressure o pamimilit ng mga kaklase, ng mga kaibigan, o kapwa kabataan upang gawin ng isang tao ang bagay na hindi niya naman talaga gustong gawin at napipilitan lamang siya sa kagustuhang tanggapin siya o hindi mapag-iwanan. Ito ay isang impluwensya na pinagmumulan ng bullying.
Sa pag-aaral ng International Multidisciplinary Journal of Education (2023) na “Understanding the Perception of Bullying: A Study of High School Students’ Discourse on Peer Aggression”, ayon sa ulat ng Department of Education o DepEd noong 2021, higit 30 porsyento ng mga mag-aaral na Pilipino na nakakaranas ng pang-bu-bully ay ang maaaring makaapekto sa kalusugan ng pag-iisp at kalagayan ng isang bata at ito ay maaring humantong sa matinding emosyonal na kalungkutan at maapektuhan din pati ang sikolohikal. Paano nga ba nakakaapekto ang peer pressure sa isipan ng isang kabataan?
Ayon sa isang artikulo mula sa PACER Organization na pinamagatang “How Does Peer Pressure Impact Bullying Behavior?”, ang impluwensiya ng mga kaibigan o kapwa ay maaaring makaapekto sa asal ng pang-bu-bully sa magkaibang paraan—maaaring maging positibo o negatibo. Halimbawa, nagiging negatibo ang epekto kapag ang isang grupo ay nagsasagawa ng pananakot at hinihikayat ang iba na makisali, tulad ng pagtatawanan ang isang indibidwal. Nakakasama rin ito kapag may pananaw ang grupo na hindi karapat-dapat ang isang tao na mapabilang sa kanila. Sa ganitong mga sitwasyon, ang takot na mawalan ng pagtanggap o masangkot ay maaaring magpigil sa isang tao na magsalita o ipagtanggol ang inaapi.

Courtesy: Smart Parenting
Sa maraming pagkakataon, nakikibahagi ang isang indibidwal sa pang-bu-bully hindi dahil gusto niya, kung hindii dahil sa takot na hindi matanggap sa grupo o upang hindi siya ang maging susunod na biktima.
Batay sa pag-aaral nina Yuliana at mga kasamahan (2020) na may pamagat na "The Relationship Between Peer Pressure With Bullying Behavior in Early Adolescents", malaki ang nagiging impluwensiya ng peer pressure sa asal ng mga kabataang nasasangkot sa bullying. Lumalabas sa kanilang pananaliksik na ang mga kabataan ay madaling sumunod sa gawi ng kanilang grupo, lalo na kung ito’y may kaugnayan sa pananakit o diskriminasyon ng iba.
Sa konteksto ng Pilipinas, inilathala naman nina Tuazon at mga kasama (2020) ang karanasan ng mga mag-aaral hinggil sa bullying gamit ang socioecological theory ni Bronfenbrenner. Ayon sa isinagawang pag-aaral, ang relasyon ng isang estudyante sa kanyang mga kaibigan ay may malaking epekto sa kung siya ay magiging biktima, bully, o manonood lamang sa pangyayari. Ang bullying ay may malalim na epekto sa mental na kalusugan ng kabataan. Maaaring makaranas ang isang batang biktima ng matinding kalungkutan, depresyon, labis na pag-aalala, mababang tingin sa sarili, at sa mas malalang sitwasyon, pag-iwas sa pakikisalamuha sa iba.

Courtesy: Google Photos
Sa ating bansa, hindi kinukundina o hinahayaan ang pang-bu-bully sa mga kabataan o mga mag-aaral. Ang hakbang na isinulong ay ang paglalabas ng batas na Anti-Bullying Act of 2013 o Republic Act No. 10627, na may layuning bigyan ng proteksyon ang mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya mula sa ano mang uri ng pang-bu-bully sa loob ng mga paaralan.
Sa ilalim ng batas na ito, obligado ang lahat ng paaralan na gumawa at magpatupad ng malinaw, detalyado, at epektibong mga polisiya laban sa bullying. Pinapahalagahan dito ang pagkakaroon ng maayos na paraan ng pag-uulat at pagresponde sa mga insidente, pati na rin ang pagpapatupad ng nararapat na disiplina para sa mga nang-bu-bully. Ayon sa nasabing batas, ang bullying ay tumutukoy sa paulit-ulit at malisyosong paggamit ng salita, kilos, sulat, o anumang digital na paraan (kasama na ang cyberbullying) na may layuning saktan, takutin, o pahiyain ang isang mag-aaral. Ang ganitong asal ay maaaring magdulot ng matinding pinsala—pisikal man o emosyonal—at nagiging dahilan ng hindi ligtas o nakakatakot na kapaligiran sa paaralan.
Kasama rin sa responsibilidad ng Department of Education (DepEd) ang pagbabantay kung naipapatupad ba ng maayos ang batas sa mga paaralan, gayundin ang pagbibigay ng gabay sa mga guro at school officials kung paano haharapin ang mga kaso ng bullying. Noong Disyembre 2013, inilabas ng DepEd ang Department Order No. 55, s. 2013, na naglalaman ng mga Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas. Dito nakasaad ang mga mas konkretong hakbang para sa mga paaralan—tulad ng pagbibigay ng intervention programs, training para sa mga guro, at regular na pagsusuri o review ng mga ipinatutupad na polisiya.

Courtesy: Google Photos
Isa ang bullying at peer pressure sa matinding suliranin na kinakaharap ng Pilipinas. Sa panahon ngayon, dumarami ang kaso ng bullying at minsan pa ay humahantong na ito sa pagkitil ng buhay kaya naman dapat itong bigyang pansin bilang isang suliranin sa lipunan na marapat ng wakasan. Bukod pa rito, ang paaralan din ay dapat na siyang sumasalamin sa mukha ng isang lugar na puno ng aral at kaligtasan, hindi ng pangamba at purong pambubuska. Sa pamamagitan ng paghikayat sa mga kabataan na magkaroon ng lakas ng loob sa pagbibigay boses, umiwas sa mga negatibong impluwensya ng peer pressure, at turuan silang magbigay ng positibong pakikitungo sa kapwa ay makakapagbukas tayo ng ligtas at payapang kapaligiran para sa mga kabataan sa kani-kanilang mga paaralan—kung saan ang sugat ay hindi na makikita pa sapagkat sa simula’t sapol, wala ng mangangahas na magsanhi nito.
References:
PACER’s National Bullying Prevention Center (2023) “How Does Peer Pressure Impact Bullying Behavior?”. Pacer. https://www.pacer.org/bullying/info/questions-answered/peer-pressure
Yuliana, R., et al. (2020). The Relationship Between Peer Pressure With Bullying Behavior in Early Adolescents. Journal of Nursing Care. https://jurnal.unpad.ac.id/jnc/article/view/31566
Tuazon, M.T.G., et al. (2020). The Philippine Secondary School Experience of Bullying. Private Education Assistance Commitee. https://peac.org.ph/2020-1-03/
Department of Education (DepEd). Anti-Bullying Act of 2013.
https://www.deped.gov.ph/wp-content/uploads/2013/12/DO_s2013_55.pdf