March 16, 2025
Courtesy: Pinterest
ANG SIKLO NG CHILD LABOR:
PAG-ASA NG BAYAN O PASANIN NG KAHIRAPAN?

Written by: Eden Lobiano
“Kabataan ang pag-asa ng bayan,” ito ang isa sa mga linyang madalas nating marinig sa tuwing pinag-uusapan ang estado o gampanin ng isang kabataan. Ang mga salitang tumatatak sa isipan ng bawat bata na nagsasabing sila ay may kakayahang umunlad, mangarap, at makapagbago sa lipunang ating ginagalawan—na sa kabila ng iba’t ibang isyung kinahararap, may mga batang handang magbigay boses bilang bagong pag-asa ng ating bayan.
Ngunit paano kung ang mga kabataan na mismo ang siyang pinagkakaitan ng pag-asang ito?

Courtesy: GMA News and Public Affairs
Noong Mayo 2021, isa sa naitampok na kwento ng Kapuso Mo Jessica Soho ang nakakuha sa atensyon ng masa. Ito ay ang kwento ng 10-anyos na bata na si Reymark, isang batang magsasaka sa Sultan Kudarat. Sa kabila ng kaniyang murang edad at maliit na pangangatawan, kasama ang kaniyang alagang kabayo sa gitna ng tirik na araw ay walang tigil ang kaniyang pag-araro at pagsasaka, may maihain lamang sa kanilang munting hapag. Sa naitalang bilang na 1.37 million o 4.3 percent ng Philippine Statistics Authority noong 2021, isa lamang si Reymark sa mga batang nakararanas ng masalimuot na kaso ng Child Labor sa bansa.

Courtesy: GMA News and Public Affairs
Ano nga ba ang Child Labor?
Ang Child Labor ay tumutukoy sa anumang uri ng trabaho o economic activity na ginagawa ng isang bata na mapanganib o makakasama sa kaniyang kalusugan, kaligtasan, pisikal, mental, at sikolohikal na pag-unlad (Batang Malaya, 2024). Base sa datos na inilatag ng Philippine Statistics Authority sa loob ng nakaraang dalawang taon, ang kaso ng Child Labor sa Pilipinas ay umabot na sa 1.09 milyon o 3.5 percent. Kung ikukumpara sa taong 2021 kung kailan inilunsad ang kwento ng batang si Reymark, mas mababa ito ng 28 milyon o 1.2 percent.
Bagaman patuloy sa pagbaba ang kaso ng Child Labor sa Pilipinas ay hindi pa rin ito tuluyang natutuldukan ng ating bansa. Hanggang ngayon na kung mapapansin sa bawat kanto at kalye, mayroon pa ring mga bata ang naglalakad sa gitna ng mainit na panahon, hindi lamang pasan ang mga panindang sasagot sa kumakalam na sikmura—kundi pati na rin ang mabigat na responsibilidad kung saan ang siklo ay hindi natatapos.

Courtesy: Philippine Information Agency
Sa pagsusuri ng International Labor Organization (2024), isang organisasyong nagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa, ang ilan sa nakikitang sanhi sa paglaganap ng child labor ay ang kahirapan, kakulangan sa edukasyon, at kawalan ng sapat na trabaho o hanap-buhay. Dulot nito, ang mga kabataan na nasa ganitong kalagayan ay napipilitan na lamang na magtrabaho sa murang edad. Sa halip na makaranas ng normal na pamumuhay ng pagkabata at nakikipagtawanan sa mga kapwa musmos habang naglalaro sa gitna ng araw—ang kailangang isipin ay pagbibilang sa daliri ng mga salaping magraraos ng kanilang pang-araw-araw.

Courtesy: Philippine Information Agency
Sa kabila ng suliraning ito ay mayroon ding mga batas at programang inihahain ang pamahalaan sa pagtaguyod sa karapatan ng mga kabataan ukol sa Child Labor. Kabilang sa mga ito ang Republic Act 9231 o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act" na nagbibigay ng proteksyong sa mga batang nagtratabaho. Bagaman ay maraming inisyatibo ang pamahalaan ng Pilipinas upang tugunan ang child labor ay maituturing pa rin itong limitado. Kaya naman ay tinukoy din ang pagsisimula ng pagkilos sa loob ng isang tahanan kagaya ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman ng mga magulang sa family planning nang sa gayon ay matugunan ang sapat na pangangailangan ng kanilang mga anak lalong-lalo na pagdating sa edukasyon at kalusugan (Galang, 2022).

Courtesy: Lessandra
Ang patuloy na siklo ng Child Labor sa ating bansa ay indikasyon lamang ng lumalalang kahirapan sa ating lipunan. Sa kabila ng problemang ito na mahirap mang tuldukan, mahalaga na patuloy pa ring makiisa sa iba’t ibang inisyatibong kumikilala sa karapatan ng bawat batang biktima ng kasong ito. Totoo na masaya ang maging isang bata kagaya ng sinasabi ng iba. Ngunit mas masayang damhin ang maliliit na yapak at munting pagtawa sa tahanang walang ibinubulong na, “ikaw ang pag-asang mag-aahon sa atin sa kahirapan”.
Sa lipunang ating ginagalawan, patuloy lang din sa pagsusumigaw ang linyang, “Kabataan ang Pag-asa ng Bayan”. Ngunit kaakibat nito, marapat ding itanong kung ang kabataan ba ay patuloy na magiging pag-asa ng bayan, o sila ay magiging pasanin ng kahirapang mahirap ng wakasan?
References:
Philippine Statistics Authority (2024). Child Labor Statistics.
https://psa.gov.ph/statistics/labor-force-survey/child-labor-statistics
Batang Malaya (2024). Mga Madalas na Tanong Ukol sa Child Labor. https://batangmalaya.ph/wp-content/uploads/2024/11/Mga-Madalas-Itanong-Ukol-sa-Child-Labor.pdf
Cliff Notes (2024). https://www.cliffsnotes.com/study-notes/17044142
Galang, J. (2022). Don’t use child labor to villainize people demanding for change. Scout.
https://www.scoutmag.ph/68693/dont-use-child-labor-reymark-protests-poverty/