SA GITNA NG SIGAWAN: ANG TAHANAN BILANG LUGAR NG TRAUMA
Written by: Ma. Eden Lobiano

Sa likod ng bawat pintuang nakasarado ay ang kwento ng mga tahanang dumaan na sa iba’t ibang bagyo ng pagsubok. Sa ilang mga taon kung saan nananatili itong nakatayo at araw-araw inuuwian ng isang pamilya, marahil masasabi na sapat ang pundasyon nito. Ngunit para sa iilang tahanan, nananatili man itong matatag kung titingnan sa labas, sa loob nito ay naroon ang mga bitak at unti-unting pagguhong dala ng mga sigawan at sumbatan.
Sa ilang bahay na ating nadaraanan araw-araw, naroon ang mga tahanang tahimik sa labas ngunit magulo sa loob. At sa gitna ng gulong iyon, may mga batang tahimik lang na nanonood—walang tinig, walang tanong, ngunit puno ng takot at pangamba. Hindi man sila aktibong kasali sa mga pagtatalo, sila ang palaging nakasalo sa bigat ng bawat salitang lumalabas sa mismong bibig ng mga taong dapat na siyang nagpaparamdam kung ano ang tunay na diwa ng isang tahanan.

Courtesy: Freepik
Ano ang mga sanhi ng alitan sa pagitan ng mag-asawa?
Ang tensyon sa pagitan ng mag-asawa ay hindi basta-basta lumilitaw, kung hindi bunga ng mga malalim na ugat na madalas ay hindi agad nareresolba. Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang problema sa pananalapi na kung saan kapag kulang ang kita o nawalan ng trabaho ang isa, nagiging mabigat ang responsibilidad, at dito nagsisimula ang sisihan at iringan (RMN Networks, 2021). Bukod dito, ang kakulangan din sa maayos na komunikasyon ay nagiging tulay ng hindi pagkakaintindihan. Ayon sa isang artikulo ng The Asian Parent Philippines (2023), kapag hindi malinaw o bukas ang pag-uusap sa pagitan ng mag-asawa, dito nagkakaroon ng espasyo para sa maling akala, tampuhan, at tuluyang alitan sa pagitan ng dalawa.
Hindi rin maikakaila ang epekto ng mga personal na bisyo tulad ng pagsusugal, labis na pag-inom, o paggamit ng ipinagbabawal na gamot na kadalasang nagiging sanhi ng hindi pagkakasundo. Ang mga bisyong ito ay hindi lamang nakakaapekto sa kalusugan o pananalapi, kung hindi nagdudulot din ng pagkasira ng tiwala at respeto sa relasyon. Ayon sa Smart Parenting (2018), madalas ding nagsisimula ang away sa selos, lalo na kung may kawalan ng tiwala o may dating isyu ng pagtataksil.

Courtesy: Study Finds
Ano ang epekto nito sa kanilang mga anak?
Dulot ng mga salik na ito na kapag pinagsama-sama at hindi nasolusyunan sa maayos na paraan, ang tahanan ay siyang nagiging pugad ng alitan kung saan ang mga bata o ang mga anak ang siyang nagiging apektado. Ayon kay Morin (2024) sa Verywell Family, ang paulit-ulit na pagtatalo ng mga magulang ay may malalim na epekto sa emosyonal at mental na kalagayan ng isang bata—maaaring mauwi ito sa depresyon, pagkabalisa (anxiety), at pagbaba ng self-esteem. Dagdag pa ng Smart Parenting Philippines (2024), ang mga batang lumalaki sa mga tahanang puno ng sigalot ay mas malamang na magkaroon ng problema sa pag-uugali, pakikipagrelasyon, at kahusayan sa pag-aaral, dala ng trauma at kakulangan sa emosyonal na suporta mula sa tahanan
Ang simpleng pag-aaway ng mga magulang sa harapan ng kanilang mga anak ay sanhi upang ang mga bata ay mas maging sensitibo sa tensyon sa kanilang paligid. Ayon sa artikulo ng Hello Doctor Philippines (Austria, 2023), ang madalas na pagtatalo ng mga magulang, lalo na sa harap ng kanilang mga anak, ay maaaring magdulot ng pakiramdam ng kawalan ng seguridad sa loob ng tahanan. Ang mga simpleng bangayan na inuulit araw-araw ay nagiging sanhi ng stress at emosyonal na tensyon na hindi lamang naaapektuhan ang mga magulang, kung hindi lalo na ang mga batang nakasaksi nito.

Courtesy: AdobeStock
Binigyang punto rin sa kanilang artikulo na ang pag-aaway ng magulang sa harap ng kanilang mga anak ay magiging sanhi ng pag-iisip ng bata na “natural” lamang ito. Ito ang magtutulak sa kaniya na gayahin din ito hanggang sa makasanayan at hindi makaramdam ng pagsisisi dahil ang alam niya ay tama lamang ang kanyang ginagawa. Bukod pa rito, maaari rin itong magtulak upang hindi maging “expressive” bagkus maging “aggressive” ang isang bata. sapagkat ang galit at saloobin na itinatago niya sa nakita niyang pag-aaway ng magulang ay maaaring gawin o ipasa niya sa iba.

Courtesy: Save the Children Philippines
Bilang isang magulang, mahalagang maunawaan na ang bawat salita, galaw, at emosyon na ipinapakita sa loob ng tahanan ay may direktang epekto sa kanilang anak. Kinakailangan ng bukas na komunikasyon upang maresolba ang mga alitang maaaring ikasira ng pundasyon ng tahanan. Ang pagpili ng tamang oras at lugar para sa mga seryosong pag-uusap ay marapat isaalang-alang upang mapanatiling ligtas at payapa ang kanilang emosyonal na kalagayan. Sa huli, ang pagtuturo sa anak ng tamang pagharap sa alitan ay nagsisimula sa magandang halimbawa bilang kanilang mga magulang.
Bukod pa rito, ang Republic Act No. 9262 o mas kilala bilang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 ay ang kakampi ring batas ng mga batang naaabuso ng sigawan at away sa loob ng kanilang tahanan. Nakasaad sa batas na ang mga batang paulit-ulit na nakakarinig o nakakakita ng sigawan, pananakit, o pananakot sa loob ng kanilang sariling tahanan ay maaaring makaranas ng trauma na may pangmatagalang epekto sa kanilang mental at emosyonal na kalusugan at ito ay kinikilalang isang anyo ng pang-aabuso. Binibigyang-diin ng batas na ito ang best interest of the child, na nangangahulugang kailangang unahin palagi ang kapakanan at kaligtasan ng bata sa lahat ng legal na proseso.

Courtesy: Adobe Stock
Marahil ang “perpektong tahanan” ay mahirap hanapin sa bawat tahanan dahil sa likod ng mga pintuan ay naroon ang mga pagsubok na kinahaharap ng bawat pamilya. Sa katunayan, normal lamang magkaroon ng mga pagsubok dahil ito ang magpapatatag sa isang pamilya. Ngunit kung paulit-ulit itong hindi dinaraanan sa mahinahon at bukas na komunikasyon, maaaring ito ang magdulot ng bitak sa noo’y matatag na pader ng ugnayan. Ang mga sigawan at sumbatang nasasaksihan ng mga bata ay hindi lamang simpleng ingay kung hindi mga alaala ng sakit at takot na kanilang bitbit habang sila ay lumalaki. Kung magpapatuloy ang magulong ingay na ito sa espasyong nakalilimot na sa tunay na diwa ng tahanan, ang siklong ito ay hindi matatapos—at ang tahanang dapat na sanang papawi ng pagod sa bawat pagdating ay hindi na mauwian pa dahil sa nakasalubong na sigawang takot ng mapakinggan pa.
References:
Austria, C. (2023). Pag-aaway ng Magulang: Epekto sa Bata. Hello Doctor Philippines. https://hellodoctor.com.ph/fil/pagiging-magulang/pag-aaway-ng-magulang
Morin, A. (2024). How Parents Fighting Affects Children's Mental Health. Verywell Family. https://www.verywellfamily.com/how-parents-fighting-affects-children-s-mental-health-4158375
Smart Parenting PH (2024). Epekto ng Broken Families sa Bata. https://www.smartparenting.com.ph/parenting/real-parenting/epekto-broken-families-sa-bata-con00390-a5893-20240226-lfrm
RMN Networks. (2021). Bakit nagkakaroon ng broken family? https://rmn.ph/bakit-nagkakaroon-ng-broken-family
The Asian Parent Philippines. (2023). Sanhi ng hindi pagkakaunawaan sa mag-asawa. https://ph.theasianparent.com/pag-aaway-sa-harap-ng-mga-anak
Smart Parenting. (2018). Top causes of relationship stress. https://www.smartparenting.com.ph/life/love-relationships/tl/cheating-top-causes-relationship-stress-a00041-20180904