March 27, 2025
BILANGGO NG KAMUSMUSAN: ANG HINAHARAP NG JUVENILE JUSTICE SA PILIPINAS
Written by: Jea Rome Aguilar

Sa mata ng batas, may hangganan ang pagiging inosente—ngunit dapat bang ipataw ang mabigat na parusa sa isang kabataang hindi pa ganap na mulat sa tama at mali? Sa isang lipunang naghahangad ng hustisya, ang pagpapataw ng mabigat na kaparusahan sa kabataan ay ipinapakita bilang solusyon sa lumalalang kriminalidad. Ngunit sa halip na ituring silang ganap na may sala, hindi ba’t mas nararapat na bigyang-pansin ang ugat ng kanilang pagkaligaw? Sa pagitan ng pagpapanatili ng kaayusan at pagbibigay ng pagkakataon para sa pagbabago, ano nga ba ang dapat manaig?
Ang pag-unawa sa kanilang pagiging isang bata o ang tuluyang pagbilanggo sa kanilang kamusmusan?

Courtesy: UNICEF Philippines
Sa Pilipinas, patuloy ang mainit na debate tungkol sa pagbaba ng edad ng kriminal na pananagutan, isang usaping may malalim na epekto sa kinabukasan ng kabataang Pilipino. Ayon sa pag-aaral na "Bilanggo ng Kamusmusan: Buhay Salaysay ng mga Kabataang may Pananagutan sa Batas," may tatlong pangunahing salik kung bakit nasasangkot ang mga menor de edad sa krimen:
- Kakulangan sa kakayahang magdesisyon: Ang utak ng mga kabataan ay nasa proseso pa ng pag-unlad, kaya't limitado ang kanilang kakayahan sa impulse control, pagdedesisyon, at pag-unawa sa mga panganib at benepisyo ng kanilang mga aksyon.
- Pagiging madaling maimpluwensyahan: Dahil sa kanilang murang edad at kakulangan sa karanasan, madali silang mahikayat o mapilit ng mas nakatatanda na gumawa ng krimen.
3. Kahirapan at kakulangan sa edukasyon: Maraming kabataang nasasangkot sa krimen ay nagmula sa mahihirap na pamilya, kulang sa edukasyon, at walang sapat na gabay mula sa magulang o tagapag-alaga.

Courtesy: Rappler
Base rin sa naging ulat ng Human Rights Watch, maraming kabataan sa Pilipinas ang nagiging biktima ng karahasan at trauma dahil sa kampanya laban sa droga. Marami sa kanila ang nawalan ng magulang o tagapag-alaga, nalugmok sa matinding kahirapan, at napilitang huminto sa pag-aaral o maghanapbuhay nang maaga. Ipinapakita ng mga karanasang ito kung paano nakaaapekto ang karahasan at kakulangan ng suporta sa kabataan, na maaaring magtulak sa kanila sa krimen.
Dagdag pa rito, maraming pag-aaral at ulat ang nagpapakita na karamihan sa mga menor de edad na nasasangkot sa krimen sa Pilipinas ay hindi kusang gumagawa ng masama, kundi naiimpluwensyahan ng mas nakatatandang kriminal. Kadalasan, ito ay bunga ng matinding kahirapan, kakulangan ng wastong paggabay, at limitadong oportunidad sa edukasyon at kabuhayan.
Isang halimbawa ang pag-aaral na "Juvenile Delinquency: Ang Emosyonal at Sikolohikal na Epekto Nito sa Kabataan," maraming menor de edad sa Pilipinas ang nasasangkot sa krimen dahil sa iba't ibang salik, kabilang ang problema sa pamilya, kakulangan sa komunikasyon, at kahirapan. Ang mga kabataang ito ay maaaring naghahanap ng kalinga at atensyon na hindi nila natatanggap mula sa kanilang mga magulang, o kaya'y nahanap nila ang kaligayahan sa kanilang mga kaibigan na maaaring may maling impluwensya. Bukod dito, ang kahirapan ay nagtutulak sa ilan na gumawa ng krimen upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Para naman sa Commission on Human Rights (CHR), ang pagpapataw ng kriminal na pananagutan sa mga bata ay hindi epektibong solusyon sa problema. Sa halip, binibigyang-diin ng CHR ang pangangailangang tugunan ang mga salik na nagtutulak sa kanila sa paggawa ng krimen, tulad ng kahirapan at kakulangan ng tamang paggabay.

Courtesy: Rappler
Nagbigay mungkahi rin ang Save the Children na ganap na ipatupad ang Juvenile Justice and Welfare Act upang maglunsad ng mga programa na makakatulong sa pagpigil at pagtugon sa kriminal na gawain ng mga bata, pati na rin ang muling pagsasama ng mga lumabag na bata sa kanilang pamilya.
Ano nga ba ang nakasaad sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006?
Ang RA 9344, o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 ay isang komprehensibong sistema ng hustisyang pangkabataan sa Pilipinas, na nakatuon sa rehabilitasyon at muling pagsasama ng mga batang lumabag sa batas, sa halip na pagpaparusa. Sa batas na ito, tinututukan ang layunin na Restorative Justice at Child-Appropriate Proceedings kung saan pinapahalagahan ang makataong proseso para sa mga batang lumabag sa batas. Sa halip na parusa, binibigyang-diin nito ang rehabilitasyon, edukasyon, at muling pagsasama sa pamilya at komunidad. Layunin ng batas na maituwid ang kanilang landas at maiwasan ang pag-uulit ng paglabag para sa mas magandang kinabukasan.

Courtesy: Google (Philippine Legal Research)
Ayon naman sa UNICEF (2019), ang pagbaba ng pananagutang kriminal ay kontra sa karapatan ng mga kabataan. Base sa pag-aaral, ang utak ng tao ay ganap na nahuhubog sa edad na 16, kaya apektado pa ang kakayahan ng mga bata sa pag-iisip at pagpigil sa kanilang kilos. Pero may mga panukala na nagsasabing ang mga batang 9 na taong gulang ay may sapat nang pag-unawa para managot sa krimen.
"Kung ganito ang kaso, bakit ang legal na edad para magpakasal, pumasok sa mga kontrata, at magtrabaho sa Pilipinas ay 18 taong gulang? Ang isang 9-na taong gulang na bata ay hindi pa sumasailalim sa puberty at ang kanilang utak ay hindi pa ganap na nade-develop upang maunawaan ang mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos."
At sa isa pa nilang naunang pahayag, "Ang pagtawag sa mga bata bilang kriminal ay nag-aalis ng responsibilidad at pananagutan mula sa mga nakatatanda na nagpabaya sa kanila. Ang mga batang nagkakasala sa batas ay biktima ng kanilang sitwasyon, karamihan ay dahil sa kahirapan, at sa kakulangan ng isang mapag-aruga, mapangalaga, at ligtas na kapaligiran." (UNICEF Philippines, 2018)

Courtesy: Google (Philippine Legal Research)
Isa ring pahayag ang inilabas ng organisasyon na Amnesty patungkol sa usaping ito. Para sa kanila, ang pagbaba ng kriminal na pananagutan ay mas maipapamahamak lang ang buhay ng mga kabataan kaysa sa ikakabuti. Saad pa ni Amnesty International’s Senior Director for Global Operations, Minar Pimple: “Ang batas na ito, kung maipapasa, ay maglalagay sa panganib sa buhay ng mga bata sa halip na mabawasan ang krimen. Tandaan natin na ang tinatawag na 'gera kontra droga'—na siyang dahilan sa pagbuo ng batas na ito—ay isang mapanupil na digmaan laban sa mahihirap na nagresulta na sa pagkamatay ng libu-libong tao, kabilang ang mga bata."
Ang usapin hinggil sa isyu ng Juvenile Justice sa Pilipinas ay patuloy na maugong sa lipunan dulot na rin ng pagkakaiba-iba pagdating sa pananaw. Para sa iba, ang pagpayag sa child imprisonment ay isang magandang hakbang upang maibaba pa ang kaso ng kriminalidad sa bansa. Habang sa iba, ito ang nagiging daan upang maisantabi ang karapatan ng mga kabataan, lalong-lalo na mula sa kanilang karapatang magkaroon ng sapat na akses sa kaligtasan o proteksyon.
Sa katunayan, kalunos-lunos kung isipin na ang mga kabataan ay nasasangkot sa iba’t ibang uri ng mga kriminal na paggawa. Sa kanilang murang edad at kaisipan, na imbis sila lang ay naglalaro, nag-aaral, at tinatamasa ang kanilang kabataan—natatahak sila sa maling landas. Sa halip na ibaba ang edad ng pananagutan, mas epektibong solusyon ang pagpapalakas ng mga programang pang-edukasyon, pagsuporta sa mga pamilyang nasa laylayan, at pagbibigay ng rehabilitasyon sa mga kabataang nagkakamali. Ngunit sa huli, marapat ding isipin na kung ang mga kabataan nga ay mga biktima lamang ng kapabayaan, sino nga ba ang may pananagutan sa kanilang pagkalihis ng landas?

Courtesy: Philstar.com
Ang sistema ba ng hustisyang dapat na pumoprotekta sa kanila bilang isang kabataan, o ang lipunang nagkulang magbigay ng gabay at suporta para sa kanilang kinabukasan?
References:
Al Jazeera (June 2019). Philippines moves to lower criminal liability age to nine.
https://www.aljazeera.com/amp/news/2019/1/22/philippines-moves-to-lower-criminal-liability-age-to-nine
The LawPhil Project (2005). Republic Act No. 9344. https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2006/ra_9344_2006.html
Sanchez, J. (2006). Overview of Philippine Juvenile Justice and Welfare. Unafei. https://www.unafei.or.jp/publications/pdf/RS_No101/No101_17_IP_Philippines.pdf
UNICEF. (January 2019). Lowering the age of criminal responsibility is against child rights: UNICEF
https://www.unicef.org/philippines/press-releases/lowering-age-criminal-responsibility-against-child-rights-unicef
UNICEF (September 2018). Children's agency, along with civil society, call for improved implementation of existing juvenile justice law.
https://www.unicef.org/philippines/press-releases/unicef-do-not-lower-minimum-age-criminal-responsibility
Amnesty International (February 2019). Philippines: Lowering criminal age to 12 will ‘endanger children’s lives’
https://www.amnesty.org/en/latest/news/2019/02/philippines-lowering-criminal-age-to-12-will-endanger-childrens-lives/