March 30, 2025

HARDIN NG MUSMUS NA KAISIPAN: ANG KAHALAGAHAN NG SEX EDUCATION PARA SA KABATAAN

Written by: Mizzy Sales

487474790_674373291796546_8068814730299011914_n

‘Di hamak na ang kamalayan ng isang bata ay tila isang harding lupa; uhaw sa bagong impormasyon at malawak ang lugar para sa pagsibol ng bagong kaalaman. Sa bawat araw ay lumalago ang kaisipan, lumalalim ang ugat ng pinagmulan, at patuloy na tumitibay ang mga sanga na umaabot hanggang sa kaitas-taasan. Ngunit, tulad ng isang tunay na hardin, nararapat itong bigyan ng wastong pangangalaga.

Sa paanong paraan nga ba natin ito maiingatan?

ako ay may titi

(Courtesy: Goodreads)

Ang librong “Ako ay May Titi (I Have A Penis) ay isinulat ni Genardo Gojo Cruz at illustrated naman ni Beth Parrocha na inilathala ng Lampara Books noong Agosto 2019 na nakapukaw sa atensyon ng mga magulang, guardians, at guro. Ito ay libro para sa mga batang lalaki na edad lima (5) pataas patungkol sa kanilang kasarian at kung paano ito wastong pangalagaan.

“Ang mga bagay na hindi alam ng mga bata ay hindi nila mapahahalagahan at maiingatan. Tulad ng mga mata na hindi dapat tusukin, at mga kamay na dapat laging hugasan, may mga iba pa tayong bahagi ng katawan na dapat kilalanin at bigyang pansin,” ulat ng Lampara Books.

“Nakasanayan na kasi natin na mahiya sa usapin ng bahaging ito ng katawan pero paano malalaman ng mga batang lalaki ang pag-iingat sa kanilang titi kung hindi natin sila tuturuan,” dagdag pa nito.

Mabilis lumaganap ang iba’t ibang pahayag ng mga Pilipino patungkol sa taboo topics at sex education. Marami ang tumatangkilik sa tapang at adbokasiya ng mga manunulat sa pagbukas ng oportunidad na itong bigyang pansin at mapagdiskosyuhan gamit ang pagbabasa.

sex education

(Courtesy: The Challenge Initiative)

Ano ang Sex Education?

Ayon sa American Academy of Pediatrics, ang Sex Education ay ang usapin tungkol sa sariling sekswalidad at kasarian. Nakapaloob dito ang mga leksyon tungkol sa wastong hygiene care, safe sex, at sexual abuse awareness na tumutulong bigyan kamalayan ang mga kabataan sa kanilang sariling katawan at ihanda ang mga ito sa samu’t saring pagbabago o development katulad na lamang ng puberty. Ito'y patuloy din na ipinapagyabong ng mga mamamayang Pilipino patungo sa edukasyon ng mga kabataan. Isa ang sex education sa mga daan na ginagamit ng mga tao sa hiling na malagas ang haka-haka o bulong-bulungan sa usaping sekswal at nang maiwasan ang mga kaso ng child sexual abuse at teenage pregnancies.

Ngunit sa pag-unlad ng panahong makabago, ay siya rin kayang pagbago ng tingin ng mga Pilipino sa usaping Taboo?

child abuse

(Courtesy: CUNY Academic Commons)

Base naman sa iniulat na numero ng National Children Alliance, isang organisasyon na nagsusulong ng mga hakbang upang maprotekahan ang mga kabataan mula sa pang-aabuso, mahigit 1 bilyong kabataan ang nakaranas ng pamamalimusta at sekswal na karahasan kada taon. Isa (1) kada apat (4) na batang babae, at isa (1) kada labintatlo (13) batang lalaki sa buong mundo. Numerong katumbas ng mga kabataang walang muwang na ginamit, minanipula, at minaltrato sa iba’t ibang pamamaraan. At dahil sa kapos na kaalaman, pananakot ng abuser, at/o walang mahingan ng tulong, ang mga numerong ito ay hindi akma sa tunay na dami ng mga batang patuloy na sinisikmura ang madungis nilang kapalaran.

Kaya naman, ayun sa SRHIN Organization, mahalagang pagtuunan ng pansin ng mga magulang, guardians, at guro ang kanilang gampanin bilang tagapag gabay, supporta, at proteksyon ng mga bata mula sa tumataas na kaso ng child molestation at iba pa. Ang mga gampaning ito ay mabibilang ngunit hindi limitado lamang sa:

  • Pagbibigay ng matibay na pananaw sa buhay sa loob ng tahanan.
  • Pagsuporta sa kalayagan ng bata patungkol sa usaping sekswal at kasarian.
  • Panatilihin ang malayang komunikasyon sa eskwelahan patungkol sa anumang School-based Sex Education Programs.
  • Positibong suporta sa mga oportunidad na matuto sa loob ng tahanan.
  • Aktibong partisipasyon sa mga Parent-Teacher Association o PTA.
  • Pagiging handa sa pagtalakay ng mga maseselan ngunit importanteng leksyon para sa mga bata sa paraang kanilang maiintindihan nang malinaw at walang malisya.
sex education 2

(Courtesy: Egypt Independent)

Sa kabilang banda, kasabay ng pag-usbong ng mga nararapat na edukasyong pang sekswal, ay ang pagtibay ng mga batas at programang pumoprotekta sa mga biktima ng sexual abuse. R.A. No. 7610 o Committee for the Special Protection of Children (CSPC), REPUBLIC ACT NO. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC), at Anti-Child Sexual Abuse o Exploitation Materials (CSAEM) Act., ay ilan lamang sa mga pundasyon ng sekyuridad laban sa mga abuser.

Sa pagbubukas ng pinto ng literatura ng mga Pilipino bilang plataporma upang ipahayag sa masa ang ligtas na paglayun ng kasarian, ay kasabay ng pagsilay ng pag-asa para sa mas ligtas na kinabukasan ng kabataan. Kasangga ng batas, ay ang mga librong tutulong ipaunawa sa inosenteng kamalayan ang kanilang karapatan sa sariling katawan.

ako ay may kiki

(Courtesy: Goodreads)

Hindi kalaunan, noong Enero ng taong 2020, nilabas ng Lampara Books ang “Ako ay May Kiki (I Have a Vagina)” na isinulat ni Glenda Oris at illustrated ni Beth Parrocha. Pangalawang libro, na siya namang nagtuturo sa mga batang babae edad lima (5) pataas sa kanilang kasarian at kung sino lamang ang pwede silang hawakan. Gaya ng naunang libro, tumanggap din ito ng papuri mula sa madlang Pilipino (The FilAm, 2023).

Sa kasalukuyan, bukas pa rin ang diskusyon patungkol sa Sex Education sa bansang Pilipinas. Hating opiniyon mula sa mga konserbito at liberal sa kung paano nga ba dapat ituring ang mga talakayang pangkasarian. Sa isang banda, kultura at paniniwala nating mga Pilipino na ang sekswalidad, pakikipagtalik, at ang maselang bahagi ng katawan ay hindi dapat bulgar na pinag-uusapan. Ito ay dapat panatilihing inosente, puro, at pribado. Ngunit sa kabilang banda, dahil sa kapanahunan ng makabagong teknolohiya at malayang pagbigas ng sarili, isa ang Sex Education sa mga primadong bahagi ng landas patungo sa pag-unawa sa sariling pagkilanlan.

Gayunpaman, binibigyang boses ng Department of Education o DepEd (2025) ang paksang Comprehensive Sexuality Education o CSE patungo sa paaralang pampubliko sa paglayong magbahagi ng wastong impormasyon at awareness tungkol sa teenage pregnancies, sexually transmitted diseases, at gender-based violence. Kasangga nito ay ang naglalayong mga librong katulad ng “Ako ay May Titi (I Have a Penis)” at “Ako ay May Kiki (I Have a Vagina)” na nagbibigyang importansya sa kamalayan ng kabataan sa sariling katawan pati na rin ang masang Pilipino na unti-unti nang lumalawak ang pag-unawa at suporta para sa paglaganap ng adbokasiya na siyang magdudulot sa kinabukasan ng mga kabataan na walang takot, pagtataka, at lugar para sa pagmamalipusta.

Sa huli, patuloy sanang magsilbing gabay, daan, at liwanag ang akademiko at literatura patungo sa masaganang pamumukadkad ng kaisipan at tamang kamalayan ng kabataan tungo sa ligtas, makulay, at matalinong kinabukasan. Nawa ay hindi matapos ang pagkwento sa karapatang pansarili para sa lahat ng edad ng mambabasa sapagkat ang edukasyon ang siyang nagsisilbing pataba na magpapayabong palawakin ang ating harding utak.

References:

ABS-CBN News (2020). ‘Ako ay May Titi’: Children’s book seeks to educate young boys on caring for genitals.
https://www.abs-cbn.com/life/08/12/20/ako-ay-may-titi-childrens-book-seeks-to-educate-young-boys-on-caring-for-genitals

American Academy of Pediatrics. The Importance of Access to Comprehensive Sex Education.
https://www.aap.org/en/patient-care/adolescent-sexual-health/equitable-access-to-sexual-and-reproductive-health-care-for-all-youth/the-importance-of-access-to-comprehensive-sex-education/?srsltid=AfmBOop52Raje_KpyfACSWYbAarePRbOns6IO6QXLzboNaFjmOckpiwu

National Children Alliance. National Statistics on Child Abuse.
https://www.nationalchildrensalliance.org/media-room/national-statistics-on-child-abuse/

SRHIN Organization. Role of Parents in Sexual Health Education.
https://srhin.org/role-of-parents-in-sexual-health-education/

Department of Justice. Child Protection Programs.
https://www.doj.gov.ph/child-protection-program.html

The LawPhil Project. Republic Act No. 11930.
https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2022/ra_11930_2022.html

The FilAm, 2023. Brave children’s book promotes proper hygiene, prevention of sex abuse.
https://thefilam.net/archives/38778

PhilStar Global, 2025. DepEd Defends Sex Education Program.
https://www.philstar.com/headlines/2025/01/16/2414547/deped-defends-sex-education-program