April 3, 2025
Tahanan ng Kasarinlan: Ang Pagbukas sa Madilim na Katotohanan ng Child Sexual Abuse
Written by: Ma. Eden Lobiano

Ang tahanan ang siyang nagsisilbing kanlungan upang maisilong ang kaligtasan, pag-aaruga, at pagmamahal sa isang matatag na pamilya. Sa ilalim ng bubong at apat na sulok ng silid, madalas mamayani ang tawanan at tila kaluskos ng munting pangarap mula sa mga paslit. Marahil sa katotohanan na ito ang unang humuhubog sa kung paano nga ba tumingala nang mataas at magkaroon ng repleksyon sa ninanais na hinaharap. Kung iisipin, tila yakap ng bisig ang isang tahanan sapagkat ipararamdam nito sa’yo ang proteksyon at init ng ilaw ng kapayapaan.
Ngunit paano kung ang ilaw na iyon ay unti-unti ng napupundi hanggang sa balutin na ito ng isang madilim na katotohanan?
Kung ang mga pader na nag-aalok ng proteksyon ay unti-unting nagiging tanikala ng takot, tahanang may kaligtasan pa kaya itong maituturing? O isa na itong tahanan ng kasarinlan kung saan unti-unting kinukulong ang munting pangarap ng mga paslit sa hawla ng Child Sexual Abuse?

Courtesy: Manila Bulletin
Noong Taong 2024 sa buwan ng Oktubre ay umugong ang isang kwentong inilunsad ng I-Witness na nagmula sa dokumentaryo ni Kara David. Ito ay mayroong pamagat na “Kapalit ng Katahimikan” ngunit matapos itong i-ere sa publiko, tila hindi na nito pinatahimik pa ang mga manonood. Marahil kung isa ka sa mga nakasaksi nito ay tiyak na ilang libo o milyong karayom ang tumusok sa iyong puso dulot ng bigat ng katotohanang patuloy pa ring nangyayari sa ating lipunan. Ito ay ang kwento ng mga kababaihan na naabuso at pilit na inaabot ang hustisya para sa kasarinlang pilit na humahabol sa kanilang nakaraan.
Sa bandang dulo ng dokumentaryo, maririnig ang munting pagtawa ng dalawang paslit habang nakikipaglaro sa puno ng makabuluhang kwentong dokumentarista. Ngunit kung malalaman niyo lamang ang kanilang kwento bago muling magawa ang mga mahihinang paghalakhak, siguradong kahit pagngiti ay tila ilegal dahil dudurugin nito ang puso mo bilang isang babae, kapatid, ama, at isang ina. Sapagkat ang dalawang batang babae, na may edad 5 at 10, ay biktima ng pang-aabuso sa isang tahanan na dapat sana ay pumoprotekta sa kanilang kamusmusan. Biktima sila ng pang-aabuso mula sa kanilang mismong tiyuhin na dapat sana ay gumagabay sa kanilang pagkabata. Ang ganitong kaso kung saan nilalabag ang karapatan ng mga kabataan pagdating sa kanilang sekswalidad ay maituturing na child sexual abuse o sekswal na pang-aabuso.

Courtesy: University of Rochester
Ano ang Child Sexual Abuse?
Ayon sa Positive Childhood Alliance, ang child sexual abuse ay tumutukoy sa anumang sekswal na aktibidad sa isang bata na isinagawa nang may pwersa, pamimilit, o lingid sa kanilang kaalaman. Sa ibang salita, itinuturing itong isang child sexual abuse kapag ang isang nakatatanda ay nakipagtalik o nakipag-ugnayan sa sekswal na paraan sa isang bata nang walang ibinibigay na pahintulot. Kapag ang isang bata naman ang nakipagtalik o nakipag-ugnayan sa sekswal na paraan sa isa pang bata, ito ay nagiging grey area, kung saan ang ilang sekswal na pag-uugali ay maaaring ituring na inosenteng pagsasaliksik, ngunit maari ring magdulot ng pang-abuso.

Courtesy: CBC Investigates
Ano ang Dalawang Uri ng Child Sexual Abuse?
Base pa rin sa inilatag ng Positive Childhood Alliance, mayroong dalawang pangunahing uri ng child sexual abuse: ang touching abuse at non-touching abuse:
1. Touching Abuse:
Kasama rito ang anumang pisikal na contact sa katawan ng bata na may sekswal na layunin. Ilan sa mga halimbawa nito ay:
- Paghipo sa ari ng bata o pagpapahipo ng bata sa ari ng ibang tao.
- Pagtangkang maglaro ng mga sekswal na laro sa bata.
- Pagpasok ng mga bagay sa bahagi ng katawan ng bata para sa sekswal na kasiyahan.
2. Non-Touching Abuse:
Ito ay hindi naglalaman ng direktang pisikal na contact ngunit patuloy na nang-aabuso sa isang bata sa sekswal na paraan. Ang mga halimbawa nito ay:
- Pagpapakita ng pornograpiya o mga sekswal na gawain sa bata.
- Pagpapakita ng ari ng isang tao sa bata.
- Pagpapakawala o pagpaparusa ng bata sa prostitusyon.
- Pagkuha ng litrato ng bata sa sekswal na posisyon o panghihikayat sa isang bata na magsagawa ng sekswal na kilos sa harap ng kamera.
- Paghikayat sa bata na panuorin o marinig ang mga sekswal na gawain, kapwa sa personal na pagkakataon o sa pamamagitan ng video.
- Pagmamasid sa bata sa sekswal na tingin o paraan.

Courtesy: EdNews.net
Ayon sa pagtataya ng UNICEF (2024), higit sa 370 milyong babae ang nakararanas ng panggagahasa o sekswal na pang-aabuso bago umabot sa edad na 18. At bukod sa inilunsad na kwento noon ng I-Witness, marami ring mga balita ang lumitaw noon at ngayon kung saan maraming mga kabataan ang inaabuso mismo sa loob ng kanilang tahanan. Isa na rito ay ang balita mula sa GMA Integrated News noong Disyembre 2024 lamang kung saan ang mismong haligi ng tahanan pa ang nang-abuso sa anak nitong 5-taong gulang na lalaki. Implikasyon lamang ito ng malawakang paglabag na nararanasan ng mga kabataan, hindi lamang ng mga kababaihan kung hindi pati na rin ng mga kalalakihan sa loob ng kani-kanilang mga tahanan.

Courtesy: The Atom Araullo Specials
Base sa pananaliksik nina Abadejos et al., (2016), bawat araw ay patuloy lamang sa pagdami ang bilang ng mga kabataang naaabuso ngunit hindi nabibigyan ng hustisya dahil sila mismo at ang mga taong nasa kanilang paligid ay hindi alam ang mga batas na dapat sanang kumikilala sa kanilang mga karapatan. Dulot nito, hindi alam ng nakararami kung paano um-aksyon at magbigay ebidensiya na magpapatunay sa pang-aabusong nagaganap. Kaya naman mahalaga na maging pamilyar sa mga batas na inihain ng pamahalaan katulad ng R.A. 7610: Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act na mayroong layunin na magbigay hakbang upang maprotektahan ang mga kabataan mula sa pisikal, sekswal, at emosyonal na pang-aabuso.

Courtesy: UNICEF
Sa kasalukuyan, patuloy na nakababahala ang mga numerong makikita sa bawat datos ng kaso ng child sexual abuse na nagaganap sa bansa o sa buong mundo. Sapagkat sa bawat numerong makikita natin, tila ito ay isang paalala na nangangahulugan lamang na patuloy ang pagnanakaw sa munting pangarap at kamusmusan ng isang bata. Bukod pa rito, ang bawat kaso ng child sexual abuse ay hindi lamang isang bilang sa istatistika; ito ay isang kwento ng isang batang nawalan ng kaligtasan, ng pagkabata, at ng pagkakataon na magkaroon ng isang maliwanag na kinabukasan para sa kaniyang sarili.
Sa tahanan na dapat na siyang pumuprotekta at humuhubog sa kanilang pagkataong may prinsipyo at pangarap, sana ay wala na ngang ilaw pa ang mapundi at pader ang maging tanikala ng takot o pangamba.
References:
Salonga R. (2024). Kapalit ng Katahimikan: Isang buwis ng kapanatagan. The Benildean.
https://read.thebenildean.org/2024/10/kapalit-ng-katahimikan-isang-buwis-ng-kapanatagan
Positive Child Alliance. About Child Sexual Abuse.
https://www.preventchildabusenc.org/resource-hub/about-child-sexual-abuse/
GMA Intergrated News (2024). Ama na gumahasa umano sa sariling anak na lalaking 5-anyos lang, dinakip. GMA Network.
https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/balita/929028/ama-na-gumahasa-umano-sa-sariling-anak-na-lalaking-5-anyos-lang-dinakip/story/
Abadejos et al., (2016). Mga Batas Ukol sa Child Abuse. Slideshare net. https://www.slideshare.net/FrancisOsoPantino/mga-batas-ukolsachildabuse
GMA Network (2024). ‘Kapalit ng Katahimikan,’ Dokumentaryo ni Kara David. I-Witness. https://www.gmanetwork.com/entertainment/tv/i_witness_full_episodes/256158/kapalit-ng-katahimikan-dokumentaryo-ni-kara-david-i-witness/video