April 17, 2025
PATINTERO NG PILIPINONG TAHANAN: ANG EPEKTO NG DIVORCE SA KABATAAN
Written by: Mizzy Sales

Marahil ay hindi na sariwa pa ang linyang, “It takes a village”, sa tuwing pamilya ang siyang nagiging sentro ng isang usapan. Tumutukoy ito sa pangangailangan ng masinsinang karamay at katulong upang mapangalagaan ang ugnayan at tatag ng isang tahanan. Hindi na rin bago pa sa isang pilipinong tahanan ang pagkakaroon ng maraming miyembro nito, hindi lamang ang nanay, tatay, ate, kuya, at bunso. Nakasanayan sa ating paniniwala na mas masaya kapag magkakasama. Ngunit, paano kung imbes na sobra ang miyembro ng tahanan, ito ay nahahati sa dalawa?
Saan lulugar ng mga batang anak ng hiwalayan?

(Courtesy: Psychological Resource Associates)
Kamakailan lamang, ang usapin tungkol sa hiwalayan ay naging mainit na diskusyon ng mga pilipino dahil sa inilatag na proposal ng Divorce Bill. Bagkus na ito ay hindi tagumpay na naisabatas noong 2023, ito ay nag-iwan ng samu’t saring opinyon at debate sa madlang pilipino (Zenit, 2025). Maraming umaangal na kristiano rito sa kadahilanang sagrado ang kasal sa kanilang paniniwala. Ngunit marami rin ang payag rito sa kadahilanang ito ay nakapagbibigay sa kanila ng seguridad at proteksyon sa mga abusive relationship. Bukod sa Pinas, ang tanging bansa na hindi pa pinamamalakad ang Bill na ito ay ang Vatican City (DW, 2024).
Ngunit, base pa rin sa naitalang numero sa pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute (2022), hindi ito hadlang upang maiwasan ang hiwalayan ng mag-aasawa sa Pilipinas. Base sa kanilang pagsusuri, 67% lamang ng batang pilipino ang pinalaki ng kanilang dalawang magulang. 18% naman ang mga pinalaki ng kanilang ina lamang, at 8% naman sa mga batang lumaking may tatay lamang. Isa sa mga pinakamalaking dahilan nito ay ang marital separation o hiwalayan ng magulang na katumbas ng 38% sa database.

(Courtesy: World Atlas)
Ano ang Divorce?
Ayon sa Very Well Mind (2025), ang Divorce ay isang legal na proseso ng dalawang mag-asawa upang i-terminate ang kanilang kasal. Ito ay iba sa Annulment sapagkat sa diborsyo, kinikilala pa rin ng batas ang kasal, subalit ito ay tapos o wala nang bisa, samantalang ang annulment ay ang pagproseso na ang kasal ay hindi nangyari o valid. Ang diborsyo ay isang paraan para sa mga taong nasa abusive relationship na makalaya nang may benepisyo para sa kanilang sarili at mga anak. Ito rin ay isang proseso ng dalawang tao na mutual na napag desisyunan na sila ay hindi na para sa isa’t isa. Ilan sa mga dahilan nito ay ang usapin sa pera, komunikasyon, possession and property, at growing apart (Osbornes Law).
Sa sitwasyong ito, ano nga ba ang epekto nito sa mga kabataang naiipit sa laro ng diborsyo?

(Courtesy: HuffPost)
Nailathala ng Family Means na ang sitwasyong ito ay nagdudulot ng ilang negatibong epekto sa mga bata. Kagaya na lang ng mababang performance sa eskwelahan, kawalan ng sigla makipaghalubilo, hirap makibagay sa bagong lugar, pagiging magagalitin, pagsisi sa sarili sa hiwalayan ng magulang, at iba pa. Maaaring maging dahilan din ito sa paglayo ng loob ng anak sa kanilang nakatatanda, pagpili ng isang magulang kumpara sa isa, at mas lalong pagkasira ng kabuuang relasyon ng pamilya. Base rin sa Department of Justice Canada (2022), ang mga hindi nareresolbang isyu tungkol sa kalagayan ng mga batang nakaranas ng hiwalayan ng magulang ay maaaring magdulot ng matagalang epekto sa kanilang mentalidad, katulad na lamang ng depression, low self-esteem, hindi maayos na pagpili ng kanilang sariling relasyon.

(Courtesy: AboutKids)
Samantala, may mga pagkakataon din na ang proseso ng hiwalayan ng mga magulang ay na pagdudulot ng positibong epekto sa kabataan. Katulad na lamang ng nasabi ni Charles D. Jamieson, isang divorce attorney, sa kanilang website, ilan sa mga magandang dulot ng diborsyo sa kabataan ay pagiging relax, mas tatag at kayang sumabay sa bagong lugar, mas malalim na pag-unawa sa mga tao, self sufficient, magandang komunikasyon sa magulang at kapatid, at pagtrato sa kasal ng may respeto. Ang divorce ay isa ring paraan upang maka-alis ang mga anak sa abuse at maltrato ng isang magulang. Isa mang masakit, at hindi kaaya-aya ang prosesong hiwalayan sa lahat ng taong sangkot dito, mas mainam nang hindi ipilit ng dalawang magulang na magsama sa loob ng isang tahanan kung saan hindi sila masaya para lamang masabing “buo” ang kanilang pamilya, kaysa ilagay ang kalusugan ng mentalidad ng kanilang sarili at mga anak sa mahabang pagdurusa.
Ano-ano nga ba ang mga paraan upang suportahan ang mga bata habang nasa proseso ng divorce?

(Courtesy: Lamentees Maravillosa)
Naglista ang Child Mind Institute ng mga posibleng emosyon ng kabataan na dumaranas ng hiwalayan ng magulang. Dito, masinsinang nilang makikilala ang kanilang anak base sa ipinapakitang reaksyon patungo sa sitwasyon at maagang maagapan ang mga negatibong pamamaraan ng pag-cope. Ang ilan sa mga emosyon na nabangit ay guilt, anxiety, regression, at iba pa. Mainam na maging handa ang mga magulang sa mga ganitong reaksyon ng kanilang anak nang sa ganun ay matulungan nila ang mga ito at masamahan na iproseso nang tama ang kanilang mga nararamdaman. Dapat din ay magpakita ng magandang karakter ang mga magulang patungo sa kanilang pinagdadaanan na sitwasyon. Nabibilang dito, ngunit hindi limitado, ay ang mga sumusunod:
- Mahinahon - Ang diborsyo ay tiyak na isang stressful situation. Ngunit magandang ipakita sa mga bata na wala silang dapat ipag-alala at na ang hiwalayan ng mga magulang ay hindi nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
- Maging civil sa dating asawa - Pagpapakita ng respeto sa dating kinakasama sa harap ng inyong mga anak at hindi pagsira ng kanilang reputasyon sa mga ito ay makakatulong bumuo ng matibay na pundasyon ng anak sa kanilang indibidwal na magulang.
- Humingi ng tulong - Hindi karaniwan na maranasan ng isang bata ang tromatikong parte ng buhay ang paghihiwalay ng kanilang mga magulang. Kaya naman, mainam na humingi ng tulong sa mga propesyonal sa kung paano mabibigyan atensyon at alaga ang mga anak sa ganitong sirkumstansya.

(Courtesy: iMOM)
Kalakip pa diyan ay ang ilan sa mga batas na pumoprotekta sa mga kabataan at sa kanilang karapatan sa wastong kustodiya ng magulang. Ilan na rito ay ang The Family Code of the Philippines (Executive Order No. 209, as amended), Republic Act No. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act), at Child and Youth Welfare Code (Presidential Decree No. 603). Layunin ng mga batas na ito na maisang-ayon at mabigyan ng sapat na atensyon ng mga kabataan na magkaroon ng ligtas, at maayos na pagtanggap sa bago nilang pamumuhay.

(Courtesy: The Philippines)
Hindi maitatanggi na ang Divorce o Separation ng mag-asawa ay isang mapait na pagsubok sa buhay ng pamilya. Kaakibat nito ay ang iba’t ibang problemang haharapin ng bawat miyembro ng tahanan; lalo na ng kabataan. Ito man ay isang paraan tungo sa mas maaliwalas na kinabukasan, ang proseso ng hiwalayan ay mananatiling isang pagsubok at nakakatakot na daan. Naroon man ang mga batas o platapormang pilit na kumikilala sa mga karapatang ukol sa isyu na ito, mas mainam pa rin kung sa mismong tahanan magsisimula ang pagpapatibay ng isang ugnayang hindi na mahahati sa dalawa pa. Sa patuloy na usapin tungkol sa Divorce Bill sa bansa, nawa ay magkaroon pa tayo ng mas malawak na pag-unawa at bukas na kaisipan sa kung ano nga ba ang epekto nito sa isang tahanan, lalo na sa mga batang maiipit sa tila patintero ng buhay dulot ng pundasyon na unti-unti ng nawawasak.
References:
Zenit (2025). Divorce will continue to be illegal in the Philippines. Zenit.
https://zenit.org/2025/03/14/divorce-will-continue-to-be-illegal-in-the-philippines/
Deutsche Welle (2024). Is divorce coming to the Philippines?.
https://www.dw.com/en/is-divorce-coming-to-the-philippines/a-70469717
University of the Philippines Population Institute (2022). 1 in 3 Filipino youth grew up without both parents.
https://www.uppi.upd.edu.ph/news/2022/1-in-3-filipino-youth-grew-up-without-both-parents
Very Well Mind (2025). Annulment vs. Divorce: What Are the Differences?
https://www.verywellmind.com/difference-between-divorce-and-annulment-2302038
Osbornes Law. The 6 Most Common Reasons Why Couples Get Divorced.
https://osborneslaw.com/blog/top-reasons-divorced/
Family Means. What Are the Effects of Divorce on Children?
https://www.familymeans.org/effects-of-divorce-on-children.html
Department of Justice Canada (2022). Voice and Support: Programs for Children Experiencing Parental Separation and Divorce, 2.3 Children's long-term adjustment.
https://www.justice.gc.ca/eng/rp-pr/fl-lf/divorce/2004_2/sum-som.html#exe
The Law of Charles D. Jamieson. P.A. 11 Ways A Divorce Can POSITIVELY Affect Children.
https://cjamiesonlaw.com/blog/11-ways-a-divorce-can-positively-affect-children/
Child Mind Institute.Supporting Kids During a Divorce
https://childmind.org/article/supporting-kids-during-a-divorce/
DSWD. For Children and Youth
https://transparency.dswd.gov.ph/programs/community-based/for-children-and-youth/