April 1, 2025

ANG KASO NG MALNUTRISYON SA KABATAAN: HANGGANG KAILAN KAPOS ANG PINGGAN?

Written by: Azlie John Soliven

photo_6293989000368734299_w

  Ang pagkain ay mahalagang bahagi ng ating buhay dahil dito natin kinukuha ang mga sustansyang kailangan ng katawan. Lalo itong mahalaga para sa mga kabataan, dahil nagbibigay ito ng enerhiya na tumutulong sa kanilang paglaki, pagkatuto, at pagtupad ng mga pangarap. Gayunpaman, marami pa rin sa kanila ang hindi nakakakuha ng sapat at masustansyang pagkain. Dahil sa kahirapan, limitadong access sa masustansyang pagkain, at patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, lumalala ang suliranin ng malnutrisyon sa bansa. May paraan pa kaya upang matugunan ito, o magpapatuloy ang siklo ng gutom at kakulangan sa nutrisyon para sa susunod na henerasyon?

Ano ang Malnutrisyon?

Ang malnutrisyon ay isang kondisyon kung saan may kakulangan o pagkawala ng enerhiya, protina, at iba pang mahahalagang sustansya na kinakailangan ng katawan para sa paglaki at kalusugan (American Academy of Pediatrics, 2016). Batay sa datos ng Global Hunger Index (2024), ang Pilipinas ay nasa ika-67 na pwesto sa 127 bansang may suliranin sa kagutuman, na may score na 14.4—isang antas na itinuturing na katamtaman. Bagaman hindi ito ang pinakamalubhang lebel ng kagutuman, hindi ito dapat balewalain dahil milyun-milyong kabataang Pilipino ang naaapektuhan.

        Ayon sa National Nutrition Council (NNC), ang malnutrisyon ay isang seryosong suliranin sa Pilipinas. Batay sa kanilang datos, halos isa sa bawat tatlong batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ay bansot, o mas maliit kaysa sa karaniwang taas para sa kanilang edad.

Ang kondisyong ito ay maaaring magdulot ng iba't ibang isyu sa kalusugan, tulad ng mabagal na pag-unlad ng pag-iisip at mas mataas na panganib ng malalang sakit sa hinaharap. Bukod dito, tinatayang 35 porsiyento o apat sa bawat sampung pamilyang Pilipino ang hindi nakakakain ng sapat at masustansyang pagkain, na nagpapalala sa suliranin ng malnutrisyon sa bansa.

Malnutrisyon (1)

Courtesy: Bombo Radyo Kalibo

Ano-ano ang mga uri ng Malnutrisyon?

Ayon sa World Health Organization (2024), may dalawang pangunahing uri ng malnutrisyon. Una ay ang Undernutrition o ang kakulangan sa tamang nutrisyon na nagdudulot ng mga sumusunod:

Underweight – Hindi sapat ang timbang ayon sa edad.
Stunting – Mababang taas o hindi tamang paglaki ng katawan.
Wasting – Matinding pangangayayat dulot ng kakulangan sa pagkain.

Pangalawa ay ang Overnutrition o labis na nutrisyon, na nagreresulta sa sobrang timbang o obesity. Kadalasan, ito ay sanhi ng labis na pagkonsumo ng fast food, matatamis, at maaalat na pagkain.

REPORTERS NOTEBOOK

Courtesy: Reporter's Notebook

Ano nga ba ang sanhi ng Malnutrisyon?

 Maraming salik ang nakakaapekto sa patuloy na paglaganap ng malnutrisyon sa Pilipinas, at isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang kahirapan, na naglilimita sa kakayahan ng mga magulang na magbigay ng sapat at masustansyang pagkain sa kanilang mga anak. Isa pang salik ay ang kakulangan ng access sa malinis na tubig at maayos na sanitasyon, na nagiging hadlang sa wastong nutrisyon. Ayon sa 2021 Expanded National Nutrition Survey (ENNS), 13.8% lamang ng mga batang may edad 6-23 buwan ang nakakakuha ng minimum acceptable diet na kinakailangan para sa kanilang optimal na paglaki at pag-unlad. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at mga hamon sa ekonomiya, ang pagpapababa ng halaga ng masustansyang pagkain ay isang mahalagang hakbang sa paglaban sa malnutrisyon, na kasalukuyang nakaapekto sa 26.7% o 3.2 milyong batang Pilipino (ENNS, 2021).

Bukod pa rito, pangunahing sanhi rin ng malnutrisyon ay ang hindi balanseng pagkain ng mga bata. Bukod sa kakulangan sa prutas at gulay, karaniwang mataas sa asukal, asin, at taba ang kanilang kinokonsumo. Ayon sa UNICEF Philippines (2023), pito sa bawat sampung kabataang may edad 13-15 ay kumakain ng mas mababa kaysa sa inirerekomendang dami ng gulay araw-araw, habang tatlo sa bawat sampu sa kanila ay umiinom ng hindi bababa sa isang soft drink kada araw. Dahil dito, dumarami ang mga batang overweight at patuloy na tumataas ang kaso ng iba’t ibang uri ng malnutrisyon sa bansa.

640_RN_2_2017_05_17_17_56_47_1

Courtesy: Facebook

Ano ang ginagawa ng Pamahalaan?

Bilang tugon sa lumalalang kaso ng malnutrisyon sa bansa, ipinatupad ng gobyerno ang iba’t ibang programa upang mapabuti ang kalagayan ng mga bata at matiyak ang kanilang wastong nutrisyon. Isa na rito ang Republic Act No. 11037 o Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, na naglalayong magbigay ng libreng masustansyang pagkain sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan. Kasama rin dito ang Republic Act No. 10028 o Expanded Breastfeeding Promotion Act, na nagtataguyod ng pagpapasuso bilang pangunahing paraan ng pagbibigay ng tamang nutrisyon sa mga sanggol. Bukod dito, ipinatutupad din ang First 1000 Days Program ng Department of Health, na nakatuon sa pagbibigay ng wastong nutrisyon mula sa pagbubuntis hanggang sa ikalawang taon ng bata upang masiguro ang maayos na paglaki at pag-unlad nila.

Ang pagtugon sa mga problemang ito ay hindi lamang responsibilidad ng mga magulang kung hindi pati na rin ng buong komunidad.

SENATE
BMPC

Courtesy: Senate of the Philippines & BMPC

Bagaman may mga hakbang na ginagawa ang gobyerno at iba’t ibang organisasyon upang masugpo ang malnutrisyon, nananatili itong isang malaking hamon. Hindi lamang ito responsibilidad ng pamahalaan kundi ng buong komunidad—kasama ang mga pamilya, paaralan, at lokal na pamahalaan—upang matiyak na bawat bata ay may sapat na pagkain at nutrisyon.

Sa isang bansang ipinagmamalaki ang yaman ng kultura at likas na yaman, marapat lang na tiyakin natin na walang batang magugutom o magiging biktima ng malnutrisyon. Ang sapat na nutrisyon ay hindi pribilehiyo kundi isang karapatan na dapat matamasa ng bawat kabataang Pilipino. Ito ay isang pundasyon ng kanilang kinabukasan at ng hinaharap ng ating bayan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, mas epektibong masusugpo ang suliraning ito at matitiyak ang isang hinaharap kung saan ang bawat bata ay lumalaking malusog, masigla, at may kakayahang abutin ang kanilang mga pangarap.

References:

American Academy of Pediatrics (2016). Malnutrition and Child Health.

https://publications.aap.org/hospitalpediatrics/article-abstract/6/1/37/26292/Malnutrition-in-Hospitalized-Children-A?redirectedFrom=PDFGlobal Hunger Index (2024).

Philippines Hunger Ranking.
https://www.globalhungerindex.org/philippines.htmlUNICEF (2024).

State of the World's Children: Nutrition Report.
https://www.unicef.org/reports/state-of-worlds-children-2024

World Health Organization (2024). Malnutrition: Facts and Figures.
https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/malnutrition

Republic Act No. 11037: Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.
https://www.officialgazette.gov.ph/2018/06/20/republic-act-no-11037/

Republic Act No. 10028: Expanded Breastfeeding Promotion Act.
https://www.officialgazette.gov.ph/2010/03/16/republic-act-no-10028/

First 1000 Days Program – Department of Health
https://ncddp.dswd.gov.ph/first-1000-days-program/

Beltran, L. (2023). Malnutrisyon sa Pilipinas, posibleng masawata. Pinoy Peryodiko: https://www.pinoyperyodiko.com/2023/07/22/balita/malnutrisyon-sa-pilipinas-posibleng-masawata/1860/

Amianan Balita Ngayon, (2023). “HEALTHY DIET GAWING AFFORDABLE FOR ALL”. https://amiananbalitangayon.com/healthy-diet-gawing-affordable-for-all/

Bacareza, B. (2023). Mga Paraan Para Maging Healthy ang Diet at Lifestyle ng mga Bata. UNICEF Philippines: https://www.unicef.org/philippines/stories/mga-paraan-para-maging-healthy-ang-diet-lifestyle-ng-mga-bata