March 18, 2025
KAPOS NA SUPERBISYON: SIMPLENG KAMALIAN O TULUYANG KAPABAYAAN?
Written by: Cilan Del Rosario

Maituturing na ang anak ang siyang kayamanan ng isang magulang. Mula sa sandaling sila ay isinilang sa mundo, walang katapusang aruga at pagmamahal ang ibinubuhos ng kanilang ama at ina. Hindi lahat ng magulang ay perpekto at hindi nating masasabing sila ay palaging nakamasid sa bawat galaw ng kanilang anak. Ngunit hanggang saan nga ba ang limitasyon sa kapos na superbisyon ng isang bata?
Nitong nakaraang taon lamang sa isang probinsya ng Pampanga, dalawang magkapatid ang nagpaalam sa kanilang ina upang maglaro sa labas. Sina Joshua at James, edad 5 at 6, walang kamalay-malay sa panganib na hatid ng kapaligirang walang superbisyon ng nakatatanda. Ayon sa naging panayam, sa gitna ng paglalaro ng dalawang paslit sa kalsada ay napukaw ang kanilang atensyon ng isang private compound. Sinulit nila ang kanilang paglalaro, nilibot ang mga kotseng nakaparada na naroon, tumalon-talon, at naglalabas pasok sa mga sasakyan. Ang isang inosenteng paglalaro ng dalawa ay hindi inaasahang magiging sanhi ng kanilang kapahamakan nang ang isang abandonadong kotse na kanilang pinasok ay sira ang lock ng pinto. Sa huli, wala ng buhay nang matagpuan ang dalawang bata. Wala na ring nagawa ang kanilang magulang sa masaklap na pangyayaring ito (GMA News, 2024).

Courtesy: Remate.ph
Naging maugong ang balitang ito dahil sa napakaraming tanong na umiikot sa utak ng mga manonood. Bakit walang presensya ng nakatatanda sa paligid ng mga bata lalo pa na sila ay hamak na 5 at 6 na taong gulang lamang? Bakit hindi agad hinanap ang dalawa?
Isa lamang ang sitwasyon nina Joshua at James sa sandamakmak na kaso ng child negligence na nangyayari sa Pilipinas. Ang istorya ng magkapatid ang naging viral at nagmulat sa kaisipan ng mga tao na dapat ay hindi pinapabayaang walang nagbabantay na nakatatanda sa mga bata.
Ang child negligence na nangyari ay maaaring intensyonal o hindi. Subalit hindi natin maikakaila na responsibilidad ng mga magulang at guardian ang superbisyon sa kabataan hangga’t hindi pa sila nakakarating sa wastong edad. Hindi man natin napapansin ngunit may mga pagkakataong napapabayaan natin ang ating mga anak. Dahil ang mga bata ay vulnerable o walang depensa sa mga panganib na hatid ng mundo, marapat nating malaman ang kahalagahan ng adult supervision nang maiwasan ang mga hindi inaasahang pangyayari (Hildyard & Wolfe, 2002).

Courtesy: Save the Children Philippines
Maraming uri ng child negligence. Hindi ito nalilimitahan sa simpleng pag-abandona sa isang bata, o pag-deny sa mga pangangailangan ng bata para sa kanilang survival. Ilan lamang iyon sa mga halimbawa nito. Mayroong physical neglect, medical neglect, supervisory neglect, educational neglect, at ang emotional neglect. Hindi agad nakikita ang ilan sa epekto ng child negligence, marahil ay inaakala na ang ilan sa ating nakakaligtaang gawin para sa kanila ay normal lang. Bukod pa rito, ang child negligence ay hindi lamang ang mga kasong nauuwi sa kapahamakan ng bata, kasama rin dito ang mga gawaing sumusubok sa kanilang buong kalusugan mapa-mental, pisikal, o emosyonal (Radford, 2011).

Sa ilalim ng Republic Act 7610 "Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”, nasa ilalim ng child abuse ang child negligence. May karampatang parusa ang pagpapabaya sa isang bata tulad ng mga sumusunod: hindi pagbibigay ng kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, pagkain, at tirahan, hindi pagbibigay ng pangangailangang medikal, at iba pang naglalagay ng kanilang survival at normal development sa kapahamakan. Sa pamamagitan ng pag-alam sa ganitong klase ng batas, mas mabibigyang pansin ang mga kaso ng pagpapabaya sa mga kabataan nang sa gayon ay hindi na ito maulit o madala pa hanggang sa susunod na henerasyon.

Courtesy: Unicef Philippines
Huwag nating hintaying makita na mawala ang kislap sa mata ng ating mga anak, o mas malala pa, ang kanilang buhay. Marapat na palagi nating alamin ang kahalagahan ng simpleng sulyap sa kanilang mga ginagawa gayundin ang kahalagahan sa pag-alala sa lahat ng kanilang pangangailangan. Ang mga bata ay hindi ganoon karunong sa pagpapahayag ng kanilang sarili o ang kanilang mga saloobin. Samakatuwid, responsibiliad ng isang magulang o tagapag-gabay na basahin o alamin ang nais nilang iparating at maging boses at proteksyon nila laban sa kapabayaan. Bilang nakatatanda, tanungin at kilatisin natin ang sarili upang malaman kung kinakailangan bang may baguhin o pagbutihin.
Minsan na rin tayong dumaan sa pagkabata. At sa paglipas ng panahon, kagaya ng salitang “negligence” sa isyung ito, baka isa na rin tayo sa sadyang nakalilimot sa tunay na halaga ng pagiging isang simpleng bata.
References:
Hildyard, K. L., & Wolfe, D. A. (2002). Child neglect: developmental issues and outcomes. University of Western Ontario
https://scholar.google.com/scholar?hl=en&as_sdt=0%2C5&q=child%2Bneglect&btnG=#d=gs_qabs&t=1742274524194&u=%23p%3DRWl-T8GEN7IJ
GMA Network Online (2024). 2 bata, natagpuang patay sa loob ng isang abandonadong sasakyan sa Pampanga:
https://www.gmanetwork.com/news/video/saksi/672185/2-bata-natagpuang-patay-sa-loob-ng-isang-abandonadong-sasakyan-sa-pampanga/video/
NSPCC (2025): https://www.nspcc.org.uk/what-is-child-abuse/types-of-abuse/neglect/#types
Supreme Court E-Library: https://elibrary.judiciary.gov.ph/thebookshelf/showdocs/2/3540