March 20, 2025
SING-SING NG TRADISYON:
ANG KINABUKASAN NG CHILD MARRIAGE SA PILIPINAS
Written by: Mica Mclaine Monter

Ika-nga nila na ang lahat ng bagay ay may itinakdang panahon. Ngunit paano kung ang takdang panahon na ito ay napakalapit? Ni hindi pa nakakalahati ang paglayag sa reyalidad ng buhay ay isang napakalaking responsibilad na ang iniatang. Hindi pa tuluyang nararanasan ang lahat ng kasiyahan, ibinigay na agad ang pasanin na tila ba pang-habang buhay.
Paano na ang kinabukasan ng mga batang ito na pinagkaitan ng kalayaan sa murang edad dulot ng tradisyon

Courtesy: i-Witnesss Facebook Page
Noong Agosto 2022, itinampok sa dokumentaryo ni Atom Araullo sa I-Witness ang kuwento ni Rowelyn Imbad, isang 14-anyos na kabilang sa katutubong Subanen sa Zamboanga. Sa murang edad, siya ay nakatakdang ikasal, dahilan kung bakit hindi na niya maipagpapatuloy ang pag-aaral. Hindi siya nag-iisa—kabilang dito sina Elvinia at Sarah, na naging ganap nang mga maybahay kahit hindi pa natatapos ang kanilang kabataan.
Nakakalungkot makita ang ganitong realidad—mga batang napipilitang iwan ang kanilang mga pangarap para sa responsibilidad na hindi pa nila kayang yakapin. Sa halip na mga aralin sa paaralan ang kanilang inaatupag, ang nalalapit na kasal na ang kanilang pinag-iisipan.
Ayon sa datos ng UNICEF (2017) at Philippine Statistics Authority, karamihan sa mga batang babae na kabilang sa mga katutubong grupo ay maagang ipinapakasal—1 hanggang 6 sa kanila ay nag-aasawa na sa edad 12, 13, o 14.

Courtesy: UNICEF: Child Marriage
Ano nga ba ang konsepto ng Child Marriage?
Ang Child Marriage ay tumutukoy sa anumang pormal na kasal o di-pormal na pagsasama sa pagitan ng isang bata na wala pang 18 taong gulang at ng isang nakatatanda o isa pang bata. Bagamat unti-unti nang nababawasan ang mapaminsalang gawaing ito, salamat sa mga naipasang batas tulad ng Republic Act No. 11596 o Child Marriage Law na nagbabawal sa pag-aasawa ng mga bata sa Pilipinas (Lawphil Project, 2021), ito ay nananatili pa rin sa ilang komunidad. Ayon sa UNICEF (2023), halos isa sa bawat limang batang babae sa buong mundo ang nakakaranas ng maagang pag-aasawa. Isa itong tradisyong nagpapawalang-bisa sa kanilang karapatan na tamasahin ang kabataan nang malaya.


Courtesy: UNICEF DATA & The Economics of Child Marriage
Ano ang masamang dulot ng Child Marriage?
Ayon kina Fan & Koski (2022), mas mababa ang tsansa ng mga batang ikinakasal na makatanggap ng tamang pangangalaga sa kalusugan, tulad ng pre-natal care. Maliban dito, kadalasan silang tumitigil sa pag-aaral dahil sa mga responsibilidad sa tahanan at maagang pagbubuntis (UNICEF, 2022). Nakaaapekto rin ito sa kanilang mental health—mas mataas ang posibilidad ng depresyon, anxiety, at post-traumatic stress disorder (PTSD) (Matrinsic, 2022). Higit sa lahat, ang maagang pag-aasawa ay nag-aalis ng kontrol ng bata sa kanyang sariling buhay, na tila ba hinatulan na siyang magdusa sa habambuhay na pasanin.
Ang mga epekto ng child marriage ay hindi lamang limitado sa personal na buhay ng bata, kundi sa mas malawak na aspeto ng lipunan. Kaya’t nararapat na magpatuloy ang mga kampanya, edukasyon, at pagpapatupad ng mga batas laban dito upang tuluyang mapuksa ang gawaing ito.

Courtesy: Oxfam Philippines
Sa kabila ng mga ito ay tila hindi pa rin natin makita ang hantungan nito. Dahil nga sa ito ay isa sa mga saklaw ng tradisyon sa Pilipinas lalo na ng ating mga katutubong grupo, tila mahirap pa rin itong maligwak dulot ng iba’t-ibang opinyon ng mga tao sa komunidad at dahil na rin sa paniniwala na mahirap nang baguhin.


Courtesy: Philippine Commission On Women & Center For Reproductive Rights
Ang pananatili nito sa kultura ng Piipinas ay naging dahilan upang magkaroon ng iba’t-iang pag-aaral tungkol dito. Maraming mga organisasyon ngayon ang hindi nagpapahinga sa pagsisikap na maitaguyod ang karapatan ng kabataang babae. Halimbawa, ang Philippine Commission on Women (PCW) ay aktibong nagtutulak para wakasan ang child marriage sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mga batas, gaya ng Republic Act No. 11596 na nagbabawal sa child marriage dito sa Pilipinas. Isa sa mga kampanya ng PCW ay ang "18-Day Campaign to End Violence Against Women," kung saan tinalakay rin ang child marriage bilang isang uri ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan.
Isa pa sa mga organisasyong ito ay ang Center for Reproductive Rights, na binibigyang-diin ang proteksyon ng reproductive rights ng kababaihan, lalo na ng mga batang babae na nasa panganib ng child marriage. Ang kanilang pagsusumikap ay hindi lang limitado sa legal na aspeto, kundi pati na rin sa pagbibigay suporta at edukasyon sa mga komunidad na apektado ng ganitong tradisyon.
Ang mga inisyatibang ito ay isang malaking hakbang tungo sa pagwawakas ng child marriage sa Pilipinas. Sa bawat batas na ipinatutupad at kaalamang naipapasa, unti-unting nabibigyang-boses ang mga batang babae, binubuwag ang tanikala ng tradisyon, at binibigyang-daan ang mas malayang kinabukasan.

Courtesy: UCA News
Resources:
“Children having children in Palawan: Bill filed to seek end to child marriages”, (2020)
https://www.abs-cbn.com/news/business/2025/3/18/nvidia-showcases-ai-chips-as-it-shrugs-off-deepseek-1204
“Here Comes the Child Bride” I-Witness documentary, (2017):
https://www.youtube.com/watch?v=Q-dnZ5bfzjQ
Unicef: Child Marriage, (2023):
https://www.unicef.org/protection/child-marriage
Republic Act No. 11596, (2021):
https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2021/ra_11596_2021.html
The health consequences of child marriage: a systematic review of the evidence, (2022)
https://bmcpublichealth.biomedcentral.com/articles/10.1186/s12889-022-12707-x
The power of education to end child marriage, (2022):
https://data.unicef.org/resources/child-marriage-and-education-data-brief/
Traumatic Psychological Impacts of Child Marriage, (2022):
https://www.studentsagainstchildmarriage.org/post/study-reveals-the-traumatic-psychological-impacts-of-child-marriage