April 20, 2025

SILID NG PANGARAP:
ANG KALAGAYAN NG EDUKASYON SA PILIPINAS

Written by: Azlie John Soliven

photo_6062289215695209610_w

 Ang edukasyon ay isa sa mga pinakamahalagang pangangailangan sa buhay sapagkat isa ito sa humuhulma sa isang karakter at kaalamang bibitbitin ng isang tao sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap. Ngunit sa paglipas ng panahon, may iilan pa ring mga kabataan ang hindi nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral dahil sa kakulangan sa mga pasilidad, liblib na lokasyon at ang pagkakaroon ng digital divide sa mga kabataan. 

May pag-asa pa kayang maitawid ng mga kabataan ang daan patungo sa karapatang pang-edukasyon? O patuloy lang din sila sa pagtawid sa mga makikitid na tulay, pasan ang pagod ng kahirapan at kinabukasang walang kasiguraduhan?

new_layout_walang_iiwan_2016_11_04_22_11_43_0

Courtesy: I Witness

Sa isang dokumentaryong pinamagatang "Walang Maiiwan" ni Kara David sa I Witness noong taong 2016, ipinapakita ang pakikipagsapalaran ng mga kabataang nais makapagtapos ng pag-aaral. Sila ay galing sa isang liblib na lugar na malayo sa kabihasnan. Tumatawid sila sa ilog at naglalakad sa kabundukan upang makarating sa eskwelahan. Isa sa kanila si si Marvin Jaime, 10 taong gulang na araw-araw nakararanas ng matinding hirap sa paglalakbay papuntang eskwelahan. Nasa Kindergarten pa rin ang bata dahil sa pagiging absent nito sa klase dala na rin ng kahirapan sa kanilang buhay. Ipinakita rin dito ang kalagayan ng ibang mga mag-aaral na napilitang huminto sa pag-aaral upang magtrabaho at makatulong sa gastusin ng kanilang pamilya

Screenshot 2025-04-20 222907
Screenshot 2025-04-20 222939

Courtesy: I Witness

Ayon sa ulat ng Philippine Star (2024), nasa 11 milyong Pilipino mula edad 5 hanggang 24 ang hindi nakapag-enroll nang maayos o walang pormal na edukasyon. Sa pagsisiyasat naman ng Philippine Institute of Development Studies (2023), ang mga sumusunod ay ang pangunahing dahilan kung bakit maraming kabataan ang hindi nabibigyan ng maayos at dekalidad na edukasyon sa ating bansa:

Kahirapan 
Ang kahirapan ay isang matagal nang problema sa ating bansa, at ang isa sa mga sektor na pinaka apektado nito ay ang edukasyon. Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority sa taong 2023, 15.5% o humigit kumulang 17.54 milyon na Pilipino sa individual level ang mahirap. Samantala, nasa 2.7% o katumbas sa 740 libong pamilya ang proporsyon ng mga pamilyang Pilipino na hindi sapat ang kita upang matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan. Sa populasyon, ito ay humigit-kumulang 4.3% o 4.84 milyong Pilipino na naninirahan sa below the food thresholds noong 2023. Bilang resulta, nagiging masyadong mahal ang edukasyon para sa maraming pamilya, lalo na ang mga nasa pinaka mahihirap na komunidad, at sa halip na pumasok sa eskuwelahan ang mga bata ay napipilitan na lamang silang magtrabaho, na nagdudulot sa patuloy na pag-ikot ng kahirapan sa mga susunod na henerasyon.

Armed Conflicts 
Ang patuloy na labanan sa ilang lugar sa Pilipinas ay nagdudulot ng isang malaking problema sa edukasyon. Lalo nitong naapektuhan ang mga kabataan, kaya naman nahihirapan silang magpatuloy sa kanilang pag-aaral. Maraming mga paaralan ang nagsasara at ang mga mag-aaral ay napipilitang lumipat na lamang upang maging ligtas kung sakaling mayroon mang mangyaring labanan sa kanilang lugar.

Kakulangan sa mga Pasilidad at Imprastraktura
Ang isa pang malaking suliranin sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay ang kakulangan ng mga mapagkukunan at pasilidad ng paaralan, lalo na sa mga malalayong lugar. Ang usaping ito ay karaniwang nakakaapekto sa maraming paaralan sa ating bansa.

Batay sa ulat ng Department of Education, humigit kumulang 5,000 paaralan sa Pilipinas ang mga walang sapat na kuryente, at nasa 10,000 mga paaralan naman ang walang access sa malinis na inuming tubig. Dahil dito, ang mga mag-aaral at mga guro ay nahaharap sa maraming kakulangan, na mayroong epekto sa kalidad ng edukasyon. Gayundin, maraming paaralan ang walang sapat na silid-aralan, textbooks, at kagamitan sa pagtuturo, na nagpapahirap sa mga mag-aaral na matuto nang maayos. At ang mga suliraning ito ay nangyayari hindi lamang sa mga rural areas kundi maging sa mga lungsod.

Digital Divide
 Ang pandemya ng COVID-19 ay nagdala rin suliranin sa sistema ng edukasyon sa ating bansa. Naapektuhan nito hindi lamang ang mga mag-aaral, ngunit pati na rin ang mga guro, magulang, at mga paaralan. Dahil sa mga kabilaang lockdowns, milyon-milyong mga mag-aaral ang kinakailangang lumipat sa online o distance learning, na naging mahirap para sa mga walang gadget o magandang internet connection. Isa sa malinaw na problema na dulot ng pandemya ay ang digital divide. Ang digital divide ay ang agwat sa pagitan ng mga taong may access sa teknolohiya at sa mga wala. Sa edukasyon, ang ibig sabihin ay malaking dehado ang mga mag-aaral na walang sapat na magagamit na gadget o internet kumpara sa mga mayroon nito. Batay sa survey ng Department of Education noong Hulyo 2020, lumabas na 64% lamang ng mga mag-aaral ang nagsabing mayroon silang smartphone, at 55% naman ang mayroong laptop o desktop computer, na nagpapakita na maraming kabataang mag-aaral ang naiiwan sa online learning.

Screenshot 2025-04-20 225525

Courtesy: The Telegraph

Ano-ano ang tugon Pamahalaan sa suliraning ito?

Upang matugunan ang mga hamon sa sektor ng edukasyon sa ating bansa mayroong mga iba’t-ibang inisyatibo, programa at proyekto na isinagawa ang gobyerno at iba pang sektor upang matugunan ito. Kabilang ang programang nagbibigay ng importansya sa mga kabataang nais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at mapadali ang kanilang pagkatuto. Isa sa mga ito ay ang Alternative Learning System (ALS), isang programa ng Department of Education (DepEd) na ang layuning bigyan ng pagkakataon ang mga kabataang hindi makapasok nang regular sa paaralan dahil sa distansya o dahil kinakailangan nilang magtrabaho.

Ang Republic Act No. 7800 o Equitable Access to Education Act ay isang batas na nag-uutos na magkaroon ng sapat na budget para sa pagpapatayo ng mga school buildings, classrooms at ang mga pasilidad para sa maayos at kalidad na pag-aaral. Bukod dito, mayroon din mga scholarship programs na ibinibigay ng mga Non-Government Organizations (NGOs) at ang Local Government Units (LGUs) para sa mga natatanging estudyanteng nais makapagtapos ng pag-aaral. Kasama rin sa mga hakbang na isinasagawa nila ang pagdaragdag ng mga bagong daanan at tulay upang mas mapadali at mapabilis ang transportasyon, pati na rin ang pagbibigay ng karagdagang kagamitan para sa mga mag-aaral.

Ang mga inisyatibong ito ay nakatutulong ito upang lalong mapagtuunan ng pansin ang mga problemang kinakaharap ng bawat kabataang nais makapagtapos ng pag-aaral, makaahon sa kahirapan at magkaroon muli ng panibagong pag-asa para sa mas maganda at maayos na kinabukasan.

ASL-696x389

Courtesy: Panay News

Mahalaga ang edukasyon dahil dito nabibigyan ang tao ng lakas ng loob at kasanayan para makamit ang kanilang mga pangarap (United Nations). Ayon kay Psacharopoulos & Patrinos (2018), ang pagkakaroon ng maayos na edukasyon nagbibigay ng karagdagang kaalaman na hindi lamang nanggagaling sa loob ng tahanan. Sa pamamagitan ng edukasyon, higit nitong pinapalawak ang isipan at napapalalim ang pang-unawa sa kapwa.

Sa pag-usad sa modernong panahon, nagkaroon ng iba’t-ibang hakbang na ipinatupad upang tugunan ang tungkol usaping ito. Mula sa mga programang naglalayong palawigin pa ang access sa edukasyon hanggang sa mga initiatives na nagnanais na isulong ang mga makabagong paraan na makakatulong sa pag-aaral, dahan-dahang nabibigyang ng solusyon ang pangangailangan ng mga kabataan. Ngunit sa kabila ng lahat, sapat na nga ba ang mga hakbang na ito upang matugunan ang tunay na pagkakataon ng bawat kabataang Pilipino na makamit ang kanilang mga pangarap sa buhay sa pamamagitan ng edukasyon?

Bagamat may mga kabataan nakatatanggap ng maayos na edukasyon at pagtuturo, marami pa rin ang hindi napagkakalooban ng parehong oportunidad, mga kabataang nangangailangan ng sapat na pagsuporta upang makamit ang kanilang mga pangarap. Bunga nito, patuloy parin ang panawagan para sa mas inklusibo at patas na sistema ng edukasyon na tunay na para sa lahat ng kabataan, anuman ang kanilang estado sa buhay.

References:

Bai, N. (2023). Educational Challenges in the Philippines. Philippine Institute for Development Studies.
https://pids.gov.ph/details/news/in-the-news/educational-challenges-in-the-philippines

David, K. (2016). i-Witness: ‘Walang Maiiwan’, dokumentaryo ni Kara David (full episode). GMA Public Affairs.
https://www.youtube.com/watch?v=TZ73dKG_REo&t=1468s

Percentage of Filipino Families Classified as Poor Declined to 10.9 percent in 2023. (2024, July 22). Philippine Statistics Authority. https://psa.gov.ph/statistics/poverty/node/1684064820 

'Walang Maiiwan,' dokumentaryo ni Kara David ngayong Sabado sa I-Witness. (2016, November 04). GMA News Online.
https://www.gmanetwork.com/news/publicaffairs/iwitness/587578/walang-maiiwan-dokumentaryo-ni-kara-david-ngayong-sabado-sa-i-witness/story/ 

7.9M Filipinos opted out of school in SY 2022-2023. (2023, September 27). Context PH.
https://context.ph/2023/09/27/7-9m-filipinos-opted-out-of-school-in-sy-2022-2023/